Ginanap ang Unang Rehiyonal na Kumperensya ng Joint Security Command noong ika-9 ng Agosto 2023 sa ORED Hall, Rawis Legazpi CIty na pinangunahan ng Commission on Elections Regional Office V. Ito ay naglalayong mapabuti ang koordinasyon at ugnayan sa pagitan ng mga ahensiyang may kinalaman sa seguridad at iba pang mga updates ukol sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 ngayong Oktubre.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) R5, Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Education (DepEd), Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa pagtitipon, ipinahayag ng Panrehiyong Direktor ng DILG R5 na si Atty. Arnaldo E. Escober Jr., CESO V ang mariing pangako ng Kagawaran para sa maayos, wasto, patas, at malayang pagpapatupad ng BSKE 2023 upang masiguro ang kaligtasan at integridad ng proseso.