Ginanap ang unang PAGTALUBO: Local Government Code Series for LGOOs noong ika-18 ng Agosto, 2023. Ito ay isang talastasan na naglalayong palawigin ang kaalaman ng mga kawani at empleyado ng Kagawaran ukol sa Local Government Code at ang halaga nito sa operasyon at pamamahala ng lokal na gobyerno, papapatupad ng mga polisiya, at pagpapalakas ng ugnayan sa mga mamamayan upang mas mapabuti ang serbisyong publiko sa kanilang nasasakupan.
Para sa unang kabanata, naging tampok na tagapagsalaysay si Atty. Arnaldo E. Escober Jr., CESO V, ang Panrehiyong Direktor ng DILG R5.
Binigyang-diin niya kung paano ang ugnayan ng iba’t ibang sektor at mga sangay ng pamahalaan ay naglalaro ng malaking bahagi sa paghubog ng isang komprehensibong sistema ng pamamahala. Tinalakay din niya ang kahalagahan ng lokal na awtonomiya at kung paano ito nagbibigay daan sa mas malapit na pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad.
Nagkaroon ng aktibong partisipasyon ang mga C/MLGOOs, Program Managers, LGOOs mula sa iba’t ibang panlalawigan na tanggapan ng DILG R5, kasama na rito ang mga Contract of Service (COS) personnel ng Kagawaran.