Tumungo ang DILG 5 sa lalawigan ng Masbate upang ilunsad ang pilot na pagpapatupad ng pagsasagawa ng Impact Assessments sa mga piling proyekto ng Support to Barangay Development Program (SBDP) 2021 noong Agosto 7, 2023.
Ang pangunahing layunin ng serye ng mga assessment na ito ay ang pagtala at pag-ulat ng mga benepisyo at pakinabang na dala ng pagpapatupad ng Retooled Community Support Program (RCSP) at ng Support to Barangay Development Program (SBDP) FY 2021 na mga proyekto. Sa pagsasagawa ng mas malalim na pagsusuri, tutukuyin ng DILG 5 kung saan pa mas lalong mapagpapabuti ang mga implementasyon nang sa gayon ay mapahusay ang paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa mga komunidad.
Naka-angkla sa Localization ng Executive Order No. 70 na may mas malawak na pambansang layunin ng pagpapaunlad ng sustainable development, determinado ang DILG 5 na tiyakin na ang mga proyektong pinondohan ng SBDP ay tunay na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad. Ang pangunguna sa inisyatibang ito ng DILG 5 ay muling nagpapatibay sa dedikasyon ng Departamento sa walang tigil na pagbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na komunidad at pagtataguyod ng mga kasanayan sa mabuting pamamahala. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsusuri at pagpapabuti ng implementasyon ng mga programa, ang Kagawaran ay mananatiling matatag sa hangarin nitong lumikha ng magkaakibat at pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran para sa lahat ng Pilipino.
Sa mga susunod na buwan, lahat ng DILG 5 Project Evaluation Officers (PEOs) ay i-dedeploy sa iba’t-ibang lugar sa Rehiyong Bikol para sa mga nalalabing impact assessment.
Ang pilot team ay binubuo nina Project Evaluation Officers (PEOs) Estanislao Alim IV, Karl Hanzel Lozano, at Randy Efren Catura na sinuri ang bisa ng mga proyekto at sinukat ang mga positibong tugon nito sa mga komunidad.