Marhay na hapon po sa inyong lahat! Congratulations po sa mga nakatanggap ng Seal of Good Local Governance ngayong araw na ito. Napakalaking bagay po ng award na ito, hindi lang para sa mga nakatanggap nito, kundi para din sa pamahalaan at sa Daang Matuwid na ating ipinaglalaban ngayon.
Malamang naaalala pa po natin: ‘Yung mga pundasyon po nitong Seal of Good Local Governance, nagsimula pa noong panahon ni Secretary Jesse Robredo. May ideya po si Sec Jesse dati: Kilalanin at i-incentivize ang mga lokal na pamahalaan na maayos ang pamamahala. Ang naisip niyang sukatan, kung paano natin ginugugol ang mga pondong ipinagkaloob sa atin ng ating mga Boss. Tinawag niya itong Seal of Good Housekeeping.
Maganda ang naging tugon ng mga LGU natin dito—alam kasi nila na kung inayos nila ang paggastos, lalo pa silang mabibigyang-lakas sa pamamagitan ng pondo mula sa Performance Challenge Fund. Nakikilala sila at ang kanilang mga nagawa, at nagiging mabuting halimbawa din kayo sa ibang LGU.
Sinimulan natin itong tawaging Seal of Good Local Governance noong 2014, dahil pinalawak pa natin ang criteria: Bukod sa tamang paggastos, dinagdag natin ang business friendliness, pagiging handa sa sakuna, peace and order, at serbisyong panlipunan sa mga sukatan. Sa mga bagay na ito nagpakitang-gilas ang ating mga awardees.
Di ba, ito mismong mga criteria natin, ang ibig sabihin ng mabuting pamamahala? Nagagawa nating mas handa at mas ligtas ang ating mga komunidad. Nailalapit natin sila sa ginhawa. Nabibigyan natin sila ng kakayahan na hawakan ang sariling kapalaran. Ito ang dahilan kung bakit tayo nasa serbisyo. Ang pinaka-mensahe ng SGLG awards natin: Kung sino ang gumawa ng trabaho niya, lalong makakaasa sa suporta ng pambansang pamahalaan.
Napakahalaga nito dahil ang mga LGU ang mga frontliner. Kayo ang humaharap sa ating mga Boss, kayo ang nagbibigay ng basic services. Kayo ang nakakadinig ng kanilang mga hinaing, kayo ang nagdadala ng solusyon. Sa madaling sabi, kayo ang mukha ng pamahalaan para sa kanila. Dapat lang na pulido ang serbisyo mula sa baba hanggang sa itaas, saklaw lahat ng ahensya ng pamahalaan.
Itong SGLG ang paraan ng ating gobyerno para iukit sa ating mga proseso, lalo na sa mga LGU, ang Daang Matuwid. Ibig sabihin, kung mabigyan ka ng SGLG—labas ang pulitika, labas ang kulay ng chaleco, labas ang apelyido—itinuturing ka nang kahanay ng Daang Matuwid. Dahil nasa panig ka ng tamang pamamahala, at nasa panig ka ng ating mga Boss.
Ibig ding sabihin, sa lahat ng tagumpay nitong nakaraang limang taon, nakiambag kayo. Kung hindi kayo naging matagumpay, hindi magiging matagumpay ang DILG o ang pamahalaang nasyonal. Alam naman natin, ang ideya ng Daang Matuwid, mas malaki sa isang slogan ng administrasyon.
At alang-alang sa mga Boss natin, hindi ito dapat mabali—ayaw nating masayang ang mga magandang naidudulot ng mabuting pamamahala sa ating mga Boss. Lalo na, ang ganda na ng ating nasimulan. Kayo ang testigo sa tulong na dala ng Pantawid Pamilya sa ating mga kababayan sa inyong mga lugar.
Nitong taon lang, may mahigit 300,000 na high school graduates sa first batch ng pinalawak na Pantawid Pamilya. Itong mga batang ito, malamang ay hindi nakapag-aral kung hindi pinalawak ng Daang Matuwid ang Pantawid Pamilya; Ngayon, makakaasa na sila sa mas maayos na kinabukasan.
Dumoble na ang saklaw ng PhilHealth sa limang taon ng Daang Matuwid—mula 47 million, naging 89.4 million na ang enrolled dito. Kayo ang testigo kung papaano napaginhawa ng PhilHealth ang buhay ng mga beneficiaries nito sa Bicol Region – hindi na nila kailangang lumapit kung kani-kanino para lang matulungan ang kanilang mahal sa buhay na may sakit.
Ito mismong SGLG, alam natin, nakataya din ito sa pagpapatuloy ng Daang Matuwid. Gusto ba natin, bumalik sa dating sistema kung saan nadadaan sa pagsipsip, sa palakasan, at sa pakiusap ang dagdag na pondo? Di ba mas maganda na nakabatay ito sa malinaw na patakaran at sukatan—kung saan ang mabuting trabaho, nagbubunga ng mas malalim na suporta?
Alam ko na sang-ayon kayo dito, at ganun din si Mel Sarmiento. Siya ang napili ni Pangulong Pnoy na ipagpatuloy at palawigin pa ang mga nasimulan natin sa DILG. Buong-puso ko ang aking paniniwala na patuloy ang pagsuporta niya sa mga LGU bilang Secretary ng DILG.
Alam naman po ninyong lahat, matagal na akong tumaya sa Daang Matuwid. Sa balikat ko na ipinataw ni PNoy ang pagpapatuloy nito. Gusto kong ituloy ang lahat ng nasimulan natin—nakikita ko ito bilang obligasyon sa aking mga Boss, kay PNoy, sa mga magulang ni PNoy, sa lolo, tatay at kapatid ko. Ito na ang misyon ko sa buhay: Ang magtrabaho para ayusin ang puwede pang ayusin sa bansa natin. Ang iwan ang mundo ng mas maganda kaysa sa dinatnan ko.
Hindi ko ito magagawa nang mag-isa. Kailangan mag-ambagan tayo, gaya ng ambagan natin nitong nakaraang limang taon. Ang maipapangako ko: Lahat, ibibigay ko sa laban na ito: Wala akong ititira para sa sarili ko, upang magpatuloy ang Daang Matuwid. Lahat, ibubuhos ko para magpatuloy ang mabuting pamamahala, para ituloy ang mga benepisyong dulot nito sa inyo, at sa lahat ng iba pang komunidad sa Pilipinas.
Muli po, congratulations, at maraming salamat po! Ipagpatuloy natin ang pagtahak sa Daang Matuwid!